Kasisimula lang ng Season 4 ng Pinoy Big Brother noong Sabado, per tuloy-tuloy ang unlimited na pakulo ni Kuya. Isa sa kitang-kitang pagbabago ay ang kakaibang anyo ng Pinoy Big Brother house. Mala-squatter o slums ang itsura ng bagong bahay na talaga namang nag-transform at ibang-iba sa mga naunang ayos ng Big Brother House.
Ang galing ng pagkakagawa ng bahay this season. Sobrang realistic ang ayos, malayong-malayo sa usual Big Brother House na ating kinagisnan. Ang natatanging pareho ay ang mga one way mirrors kung saan nakatago ang mga camerang nagbabantay 24/7 sa ating mga housemates. Wala rin ang pool, bagkus ay may canal na pinagawa para maging mas makatotohanan ang mala-“squatters” na house theme.
Pero hindi biru-biro ang concept ngayong taon. Sa likod ng kakaibang itsura ng bahay ay ang mas malalim na rason ni Kuya. Nais ni Big Brother na maranasan ng mga housemates ang nararanasan ng halos 15 milyong Pinoy na salat sa buhay. Kung iisipin, kahit na hindi totoong realidad ang pagdaraanan ng mga housemates sa loob ng bahay, ay mararamdaman pa rin nila kahit papano ang hirap ng ating ibang kababayan. Lalo pa sa bago at kakaibang twist na kasunod na isinambulat ni Big Brother.
Binigyan ang housemates ng desisyon na mamili sa tatlong UNLI: Tubig, Damit at Pagkain, tatlo sa mga basic needs ng mga tao sa pangaraw-araw na pamumuhay.
Unlimited Water
Unlimited ang supply ng tubig ng mga housemates sa buong araw. Ngunit magiging limitado ang pagkain at pananamit nila. Ang limitadong pagkain na kailangan pagkasyahin sa loob ng isang araw ay 9 lata ng sardinas, 2 kilong bigas, 6 na instant noodles, at 7 itlog. Bibigyan din sila ng isa lamang na damit na kapalitan ng damit sa suot nila noong Big Night.
Unlimited Clothes
Makukuha nila at maaaring gamitin ang lahat ng damit na inimpake, kapalit ng limitadong pagkain at tubig. Siyam na balde lamang ng tubig ang maaari nilang gamitin (liban dito ang tubig pang-inom) kung ito ang piliin nila.
Unlimited Food
Walang magiging problema ang housemates sa pagkain, ngunit kailangan nila tipirin ang kanilang tubig, at hindi rin sila makakapagpalit basta-basta ng damit.
Kakapasok pa lang ng mga housemates ay bumulaga na sa kanila ang mahirap na desisyon sa pagpili ng kanilang UNLI supply. Parang pagpili lang ng kung anong cell network ang magbibigay ng mas magandang unlimited deal. 🙂 Sa huli pinili ng mga housemates ang unlimited na pagkain.
Sa tingin nyo ba tama ang desisyon nila? Kung ako kasi yun, pipiliin ko siguro ang unlimited na tubig, mainly for hygienic purposes. Diba, kung hindi man makakapagpalit ng damit, at least makakapag-laba sila.Tsaka may pagkain naman sila, kaunti nga lang. Sa tingin ko naman kasi hindi rin naman pababayaan ng PBB management na magutom ang mga housemates up to the point na delikado na. Pero mahirap din magutom, kaya naiintindihan ko rin ang desisyon ng mga housemates.
Nakakatuwa lang na sa simpleng task ng pagpili ay instant karamay agad ang mga housemates ng maraming mahirap nating kababayan. Buti nga sa loob ng bahay ni Kuya, may unlimited supply ng isang basic need, samantalang para sa karamihan, wala lahat, pati bahay na titirhan.
Let’s see kung tama ang desisyon nila, or kung paano paninindigan ng ating bagong housemates ang pinili nilang unlimited need supply.